Step-by-step explanation:
Napakahalaga ng tungkulin ni Teodora Morales Alonso Realonda y Quintos o Teodóra Alónso sa paghubog ng kamalayan ng kaniyang anak na si Jose Rizal. Sinasabing ang kalipunan ng mga libro ni Donya Lolay ang isa sa pinakaekstensibong koleksiyon ng kaniyang panahon. Ang kaniyang pagmamahal sa sining at panitikan gayundin ang kaniyang pagiging disiplinado sa pagtupad sa oras ang naipása niyang katangian sa kaniyang mga anak, lalo na sa pambansang bayani. Sa isang liham ni Jose Rizal kay Ferdinand Blumentritt, kaniyang sinabi na ang “Ang nakuha kong edukasyon noong batà ang humubog sa aking mga ugali sa kasalukuyan.”
Ipinanganak si Teodora Alonso sa Meisik, Maynila noong 9 Nobyembre 1827. Bunso sa limang anak nina Lorenzo Alberto Alonso, isang surveyor at dating capitan municipal ng Biñan, Laguna, at ni Brigida de Guintos, si Donya Lolay ay lumaki sa Biñan at nag-aral sa eskuwelahan ng mga pari. Nang magdalaga, pinadalá siyá ng mga magulang sa Maynila upang mag-aral sa Colegio de Santa Rosa. Noong mga panahong iyon, bibihirang pag-aralin ang mga babae kayâ masasabing isa sa iilang edukadong kababaihan ng kaniyang panahon si Donya Lolay. Namatay si Teodora Alonso noong 23 Agosto 1911.
Ikinasal si Donya Lolay kay Francisco Mercado noong 28 Hunyo 1848. Nagkaroon silá ng 11 anak: siyam na babae at dalawang lalaki. Nanirahan silá sa bayan ni Francisco Mercado sa Calamba. Siyá ang namamahala sa mga itinitindang bigas, mais, at asukal mula sa kanilang lupain kasabay ng pagnenegosyo niya ng tela at paggawa ng arina. Nagbukás din si Donya Lolay ng maliit na tindahan sa ibabâ ng kanilang bahay-na-bato. Mayroon ding puwesto ng tindahan sa palengke ang mag-anak na Rizal na si Donya Lolay mismo ang nagpapatakbo.
Noong 1871, inakusahan si Donya Lolay ng tangkang paglason sa kinakasáma ng kaniyang kamag-anak na si Jose Alberto. Kahit na idinulog at napawalang-sala ang matanda, napiit siyá sa bilinggauan ng Sta.Cruz, Laguna nang dalawang taón. Matapos ang halos tatlong dekada, muling nasangkot si Donya Lolay sa isang kontrebersiya. Hinúli ang matanda dahil malî ang dalá-dalá niyang sedula. Iba ang kaniyang pangalang nakalagay sa sedula kaysa kaniyang kinagisnang pangalan. Kahit na 64 na taóng gulang na, pinalakad pa rin si Donya Lolay mula bayan ng Calamba hanggang Sta. Cruz. Nahabag ang opisyal ng pamahalaan sa kalagayan ng matanda kayâ ipinag-utos na palayain ito agad. (SJ)